Ang simbahan po sa Japan ay di katulad ng ibang bansa na may maraming nabinyagan bilang Katoliko. Sa Pilipinas po halimbawa ay sapat na ang koleksiyon sa misa at ang mga stipend ng pari sa misa o sa iba pang sakramento (binyag, kasal, atbp.) Iba po ang kalagayan dito sa Japan. Kaunti lang ang mga Katoliko at dahil dito ay nangangailangan ng inyong tulong ang Simbahan sapagkat hindi po sapat ang iniaalay na koleksiyon sa loob ng misa lamang. May katungkulan po ang bawat isa sa atin na tulungan ang simbahan sa abot ng ating makakaya, kung kaya’t pinapakiusapan ang lahat ng Katoliko dito sa Japan na magbigay ng buwanang abuloy bilang tulong natin sa simbahan.
Isa po ito sa mga patakaran ng Simbahan dito sa Japan. Maaari pong magtanong sa parish office kung papaano kayong makakabigay ng inyong buwanang abuloy. (“Ijihi” in Japanese)
Tulungan po natin ang ating simbahan upang maipagpatuloy nito ang pagpapalaganap ng Ebanghelyo. At umasa po tayo na ang ating tulong ay ibabalik sa atin ng ating Panginoon ng higit pa sa ating ibinigay. Maraming salamat po at pagpalain nawa kayong lahat ng Poong Maykapal.